Mainit na balita ngayon sa TV ang bullying o pang aaway ng studyante sa kapwa studyante sa loob man o labas ng paaralan. Noong nag-aaral pa'ko, hindi rin ako nakaligtas sa kadiliman ng 'bullying' na yan.
Grade 4 ako nang unang nakadanas ng pagmamalupit mula sa kapwa ko mag-aaral. Nagkainitan kami nung klasmate kong astigin dati, at dahil maliit ako, inabangan nya'ko sa labas at hinamon ng suntukan. At may kasamahan siyang handa ring mambugbog sakin. Ang dahilan kung bakit niya ako pinag-initan ay dahil inilista ko siyang 'noisy' sa blackboard. Hindi naman nila ako binugbog, hinawakan niya lang ako sa leeg at saktong sakal lang sa kwelyo sabay banta na kapag inulit ko pa ang pang-lilista sa kanya, tiyak raw na makakatikim na'ko sa kanya.
Hindi ako nagsumbong sa adviser ko, at dahil ka row ko yung nagbanta sa'kin, hindi ko na siya nililista sa 'noisy' kaya ang row namin ang pinakamaimgay dahil sa kolokoy na'yon. Pero kahit di ko na siya nililista, matinding bangungot talaga ang dala niya sa buhay ko, nawawalan ako ng gana kapag pumapasok siya, at nakakahinga naman ako paminsan-minsan kapag absent siya. Madalas na niya akong matahin at asarin kaya lalo ko siyang iniwasan nung mga panahong yun. Sa tindi ng inis ko sa kanya, ipinagdarasal ko dati na sana masagasaan siya o kaya mamatay na, dahil araw-araw akong namamatay dahil sa pagmumukha niya.
Mula noon hindi na ako nag-volunteer maging tagalista ng 'NOISY' sa ano mang section na kinabilangan ko. Hindi ko maarok kung bakit may mga gurong nagpapagawa dati nang ganoong task sa mga studyante niya e trabaho naman talaga niyang panatilihing maayos at tahimik ang klase. Napakaliit lang na bagay nung ginawa sa akin ng kolokoy kong kaklase dati, pero walang makakatimbang sa bigat ng loob at takot ko dahil sa ginawa niya. Lalo na't bata pa at wala man lang masabihan.
May kaklase din ako dati sa grade 5 na sinaksak ng ballpen ang isa ko pang kaklase. Ang dahilan ay asaran. Binigyan kasi ng alyas na hindi kaaya-ayang pakinggan nung isa kong klasmeyt si BJ at naging banyag na niya ito sa loob ng classroom namin. Nahinto lang ang pagtawag sa kanya ng alyas nang sinaksak niya sa likod gamit ang lapis ang pasimuno sa lahat ng kanyang kahihiyang dinaranas. Talagang bumaon ang lapis sa likod ng kaklase ko, at bumanaw ang dugo sa kanyang katawan. Bukod sa pinatawag sa guidance ang dalawa kong kaklase, wala akong matandaang may hakbang na ginawa ang prinsipal o mismong adviser namin para mapigilan ang ganoong pangyayari.
Hindi talaga magandang matawag ka sa pangit na pangalan, hindi katanggap-tanggap na ginawan ka ng alyas ng kung sino mang tao dahil lang sa itsura o kakulangan sa katawan mo.
May mga dating kaklase at kamag-aral akong bulag, bingi, bungi, pilay, duling, pungkol, pandak mataba at payat. Uo inaamin kong isa rin ako sa mga tumawag sa kanila gamit ang kakulangan o pisikal nilang anyo, pero hindi ko naman sila kinukutya gaya ng mga ginagawa sa kanila nang ibang bata. Kung may guro lang sanang nagturo sa henerasyon ko ukol sa pagrespito sa mga kapwa mag-aaral ko, sana natawag man lang sila sa magaganda nilang pangalan. Pero wala e, tanggap na ng mga guro ang alyas nang mga mag-aaral nila at wala man lang ginawa para mabago ang nakasanayan. At dahil nakasanayan na, kahit masakit, nasanay narin siguro sila 'taba', 'bungi' at 'duling' sa pagtawag sa kanila. Higit pa sa pangbu-bully yun, higit sa panglalait at higit sa panghuhusga. Wala ng mas masakit pa sa mahusgahan ka dahil lang sa iyong itsura.
Labing-limang taon na ang lumipas mula nang iwan ko ang paaralang elementarya. Sa lumipas na panahon, sana may nabago man lang. Uo ayos na ngayon dahil natututukan na natin ang isang problema ng mga mag-aaral, ang bullying. At may nakakarinig at nakakakita na sa bawat hinaing ng studyante. Hindi gaya nang dati na mababalot ka sa takot pag nahulog ka sa bully. Ayos naman, pero sana matawag na sa kanilang sariling pangalan ang may mga kapansanan at pisikal na kakulangan. Sana hindi na sila laitin at kutyain ng mga kapwa nila mag-aaral, at sana higit na pagpapahalaga at pag-aaruga na ang ibigay sa kanila ng mga guro para naman maramdaman nilang hindi sila iba sa iba.
Kumusta na kaya sila Henry, Amor at Boyet na kaklase ko sa elementarya? Sana maayos na sila ngayon at wala nang nanglalait sa kanila.
No comments:
Post a Comment