Kapos Aral


Sa pagtaas ng aking edad, binaon ko ang mga masakit na pangyayari noong nag-aaral pa'ko. Mga hindi ko malilimutang pasakit, at sa kabila ng lahat ay aking nalagpasan.


Pumasok ng walang baong pera at ulam. Minsan walang kain.

Pina-enroll ko ang sarili ko noong grade 4 hanggang sa 4th year high school ako.

Walang magulang o sino mang kamag-anak ang nagkusang nag-attend ng mga PTA meetings kaya ako nalang ang nakinig sa mga pinag-usapan ng mga magulang at guro.

Maraming beses akong hindi umattend ng aquintance party(induction party) sa labis na kagipitan. Hindi ko na alam, wala akong mahingan kahit konteng pera. Kahit may trabaho pa ang aking ama, hindi ako humihingi sa kanya. Makakarinig lang ako ng hindi magandang salita. At pakiramdam ko hindi niya ako pinapahalagahan noong kamusmusan ko.

Laging galit sa'kin ang mga guro ko dati. Madalas ko kasing pinagsasama ang mga notes ko sa mga notebooks. Wala eh, kulang ako ng notebooks at wala ring pambili. At di rin naman ako nagsusulat.

Madalas akong nakikipag-taguan sa mga gwarda noong elementary hanggang high school ako, pero madalas din nila akong maputulan ng buhok at pinagmumukhang tanga. Wala talaga, ang hirap hingan ng pera nang mga kamag-anak ko kaya laging gipit sa gupit.

Paulit-ulit ko lang sinusuot ang isang patalon ko, dalawang polo at sira-sirang sapatos. Nasanay na ako, at wala akong pakialam sa mga iniisip ng mga kaklase ko noon.

Nanglilimos lang ako ng papel sa mga kaklase at kaibigan ko pag may quiz o kaya activities na pinapasulat si ma'am. Pag wala talaga pinagtatyagaan kong gawing 1/4 ang isang pahina ng notebook ko.


Hirap na hirap din ako dati kung saan kukuha ng ipambibili sa mga projects at mga bagay na required ng mga teachers sa subject nila, kahit hindi gaanong mahalaga at wala masyadong kabuluhan ay mapipilitan ka paring bumili dahil 'required' nga at di ka mabibigyan ng grado pag wala kang naipasang project. Ang nakakainis pa sa ibang mga guro, ayaw nilang tumanggap ng pinaglumaang mga project na pwedeng-pwede pa namang magamit. Humiram ako ng activity booklet sa pinsan ko dahil kailangan naming bumili ng ganoon ding booklet. Walang problema ang booklet na hiniram ko, kumpleto pa ang mga pahina at pareho talaga sa binebenta ni ma'am. Pero bumili parin ako ng bago dahil may ibang pangalan na daw yung  booklet na ipinasa ko. Bakit kaya ganun yung guro kong yun? Di ba siya nagpapahalaga ng mga bagay? O nilamon narin siya ng komersyalismo? Pilit kang pabibilhin ng gamot kahit wala ka namang sakit. Di ba niya naiisip na kaya ako humiram at gumawa ng paraan para makapasa ng 'booklet' niya ay dahil wala akong pambili? Ilang studyante pa kaya ang mapipilitang bumili ng projects para lang sa grado? At ilan kayang kagaya ko ang dadaaan pa sa kanilang mga kamay? na kapos na nga lalong pang pinapatay.

Di na ako nag-rerecess, tinitiis ko nalang ang pagkalam ng sikmura at nilalagukan nalang ng tubig sa gripo. Madalas nililibre ako ng mga kaklase ko pagdating sa tanghalian. Pinapakopya ko kasi sila, at return of investment ang libreng ulam sa tanghali.

Gumraduate ako ng elementarya ng walang man lang isang magulang ang dumalo. At wala man lang akong graduation picture kahit isa. Kodak pa kasi uso noon at wala pang selfie.

Maraming paghihirap ang dinanas ko sa pag-aaral. Sinubok ng matinding suliranin sa buhay dulot ng wasak na pamilya at kakapusan sa aruga. Wala akong pangarap na pinanghahawakan habang ako'y nag-aaral, parang gusto ko lang mag-aral dahil sa mga kaibigan kong pumapasok araw-araw at madalas magyaya saking sumabay papuntang paaralan. Mas nakaka-angat sila sa buhay, may maayos na gamit at mabango, pero sa mga panahong nagkasama kami ni minsan hindi ko sila narinig na hinusgahan ako o nilait man lang. Nadama ko sa kanila ang pagpapahalaga sa pag-aaral at ang panghihinayang sa tuwing liliban ako sa pagpasok.

Sa ngayon wala akong sinisisi sa pinagdaan ng kabataan ko, kahit ganoon ang nangyari, nagsumikap naman ako at naitakwil ang masamang ehemplong pilit pumapasok sa utak ko.
Wala akong sama ng loob sa ama ko o sa mga kamag-anak ko. Lumipas na ang panahon at hindi na dapat mabuhay sa nakaraan. Kung ano ang idinulot sa'tin ngayon ng nakaraan, tanggapin natin ng buong puso. Hindi na natin maibabalik ang oras para baguhin ang lumipas.

Naaawa ako sa sarili ko. Sa kabila ng pinagdaan ko noong kabataan ko, hinubog ako nito sa kung ano ako ngayon. Kung makikita ko lang ngayon ang batang ako noon, yayakapin ko nalang siya sa sobrang pagkaawa.

No comments:

Post a Comment