Sa Kamay ng mga Guro


Kahit kapos ako noon sa pagpapahalaga ng mga magulang ko, nagsumikap parin akong mag-aral kahit papano. Nakikitira lang ako sa mga tyuhin at tyahin ko, at wala rin silang pakialam sa paghihirap na dinaranas ko nang mga panahong pinipilit kong humakbang papuntang paaralan. Hindi nga ako makapaniwala, nakapagtapos ako ng hayskol ng hindi ko namalayan. Typical lang akong studyante noong nag-aaral pa'ko, hindi mautak pero may konteng dunong kung paano maigagapang ang isang araw ng pakikipagdigma sa mga guro.

Wala akong naibagsak na subject simula noong grade 3. Pero tatlong ulit ata ako nag grade 1 at dalawang beses sa grade 2. Noong mga panahon kasing yon pinagapasa-pasahan ako ng aking mga magulang, kamag-anak, lolo at lola, tyuhin at tita.

Pero sa kabila ng lahat naaalala ko pa ang ilan sa mga dahilan kung bakit at paano ako pumasa sa mga asignatura at mga guro na ahhmmm di ko masyadong gusto at sa mga hinahangaan ko.

Yung classroom namin sa grade 4 dinaig pa ata ang kintab at dulas ng MOA arena. Bago kasi mag umpisang magturo ang adviser namin palagi niyang pinapagawa ang banal na ritwal sa loob ng room namin. Kailangan naming maglampaso at maglagay ng floorwax bawat umaga. Para kaming nagwawarm-up bago makipaglaban sa kanya. Pagpapawisan ka talaga ng maraming pawis dahil nakatingin sya sa bawat isa samin. Pagkatapos ng taong pagsasama namin ni m'am sa awa ng floorwax at bunot pasado ako sa lahat ng asignatura niya. Bago niya penirmahan ang clearance ko may remembrance pa s'yang hiningi sa'min ng mga kaibigang kaklase ko. Iniwan namin ang mahal naming silid aralan ng may dangal. Malinis at napakakintab ng sahig, maayos ang "divan" na lalagyan ng walis bunot at dushpan (minsan mga nilukot na papel at mga libro).

Ayaw kong magkwento tungkol sa grade 5. Wala akong masyadong maalala o sadyang mabait lang ang mga guro ko noon. Basta tumae ako sa loob ng room, at sa sobrang sawing palad hindi ko namalayang walang tagas ang gripo. Kaya yun, tinapon ko nalang yung brief ko sa likod ng CR namin, yun na kasi ginawa kong tissue paper. Humingi nalang ako ng tawad sa mini-garden ng kabilang section. Doon kasi bumagsang yung tinapon kung damit na may ahhm tae.

Hanip ang mga teachers ko sa T. L. E. noong grade 6 ako. Yung sa technology na guro di ko na matandaan ang pangalan, di rin kasi sya nagtuturo at madalas sarado ang room niya na puno ng iba't ibang bagay. Mga bakal, kahoy, mga gamit karpentero at nakataling manok panabong. Hanip si sir. Kaya nang magpaperma ako ng clearance sa kanya, hindi nya ko kilala kaya pinabili nalang niya ako ng kalahating kilo ng pako para mapermahan na ang clearance ko. Wala ako kagana-ganang pumasok sa isa pang guro na nagtuturo naman ng livelihood. Bukod kasi sa palagi syang naniningil ng bayad para sa mga "materials" di rin ako interesado sa pagko-crostitch at pagawa ng yema. Apat kami nang mga kaklase kong lalaki ang hindi pumapasok sa kanyang subject kaya naisipan ni teacher na pabilihin nalang kami ng sinulid pang burda. Solve.

Yung grade 6 teacher ko sa Science, nagagandahan ako sa kanya. At dahil alas dos ng hapon ang klase niya, di ko maiwasang maantok lalo na sa tuwing tinuturo nya ang mga chemical reactions at periodic table. Isang araw hindi ko talaga nalabanan ang antok at napayuko ako sa sulatan ng upuan ko. Sa isang iglap nagmukha akong palitaw sa puti ng buhok dulot ng chalk at hindi ko man lang nasangga ang flying eraser na ibinato ni mam sa akin. Pero  nainlove parin ako sa kanya dahil pagkatapos ng pambabato niya, pakumbaba naman s'yang humingi ng tawad sa'kin at nagpaliwanag sa buong klase kung gaano kahalaga ang itinuturo niya. Pagdating nang permahan ng clearance wala siyang pinagawang project o pinabiling gamit saamin ng mga kaklase ko. Nagbigay lang si teacher  ng bonus points sa may mga kumpletong notes na itinuro niya. Sana lahat ng guro katulad niya. Hindi corrupt.

Wala akong kwento masyado sa Math, gusto ko naman ang mga lessons ng mga guro ko dati pero nakakasawa na talaga. Yung tipong paulit-ulit nalang mula sa paghahanap ng halaga ni X at kung bakit panakip butas lang si Y. Siguro kung tinulungan lang ng mga guro sa Mathematics ang mga studyante nila tungkol sa kung gaano kahalaga ang buhay ng bawat mag-aaral at kung paano malagpasan ang problema sa totoong buhay, siguro may katuturan pa ang pinagtuturo nila. Bakit pilit nilang pinapasagot ang problema ni X? Ako nga hanggang ngayon di parin nahahanap ang tunay na halaga. Bukod sa terror na subject ang Math, bakit lagi ring terror ang mga guro na nagtuturo nito? Dahil ba sa dami ng problem solving? Wala akong problema sa Math at sa mga guro na nagtuturo nito, hanga pa nga ako sa kanila dahil bukod sa personal nilang problema, tinutulungan din nila si X na makita ang kanyang halaga. Sa dami ng pinag-aralan ko sa Mathematics noon, ang Addition, Subtraction, Multiplication at Division lang ang may katuturan sa buhay ko ngayon.

May natutunan naman ako sa Araling Panlipunan, at marami. Isa sa mga paborito kong assignatura ang Aral.Pan. Bukod sa magagaling na guro ay interesante ring makinig sa kwento ng ating kasaysayan at ng daigdig. Nalaman ko kung paano namuhay ang mga sinaunang tao at kung sino ang naka-diskubre ng Pilipinas. Naalala ko dati yung report ko na binigay sakin ni teacher tungkol sa 'Ilog Nile'. Sinunog ko ang kilay ko sa paggawa ng reports na yun, todo basa ako ng aklat at sulat ng 'bitaymax' (yung manila paper na isasabit sa blackboard sa t'wing reporting, bitaymax kasi tawag namin dati). Pero na nadismaya ako sa mga kaklase ko habang ako'y nag-uulat tungkol sa linsyak na 'ilog nile',. Bukod ata kay teacher at sa mangilan-ngilang matalino kong klasmeyt na nakikinig, yung iba namang kaklase ko ay hindi interesado at nakikita ko sa kanilang mga mata ang pagka-bagot. Hinayaan ko nalang sila, hindi rin naman kasi tamang kunin pa ang pansin ng isang taong hindi naman interesado sa'yo. Saka hindi rin talaga ako ka intere-interesanting tao.

Yung teacher ko sa Araling Panlipunan noong 2nd year high school ako ang pinakamalupit. Lahat ng mga kaibigan kong naging teacher din s'ya ay hindi malilimutan ang kamandag ng kanyang 'Mapa'. Oo, Philippine Map ang unang-una niyang siningil sa'min sa unang araw ng pasukan. At plus points pag siya ang bibili ng mapa, magbabayad nalang kami sa kanya ng trenta pesos. Ayos si m'am, akala namin. Makalipas ang ilang araw hanggang sa buwan ng hindi namamalayan, una niyang binanggit na inorder pa niya sa Maynila ang mga Mapa namin at sa susunod na linggo pa darating. Sabik na ang mga kaklase ko dahil itinuturo na niya ang mga rehiyon sa Pilipinas. Nang dumating ang linggong sinabi ni m'am, ipinag-umanhin na naman niya na hindi makakarating ang mga mapa dahil ito'y na stranded daw sa Cebu. Hindi ko na namalayan, natapos na ang pasukan pero hindi parin dumating ang mga banal na mapang binili ni mam. Siguro naglakbay sa Pilipinas ang mga mapa at gumamit sila ng mapa para hindi mawala.

Ang guro ko sa English noong 2nd year ako ang pinagka-interesan ko ng todo. Pinabili niya kaming lahat ng English journal sa unang araw ng kanyang pagtuturo. Isang linggo pa ata ang nakalipas bago ako nakabili dahil wala akong pera. Kakaiba si mam dahil araw-araw siyang may nilalako sa'min, yema, sampalok candy, ice candy, mangga na may suka, at minsan puto at tinapay na may palaman. Halos kalahating oras din ang nauubos sa paglalako at paglilista ng mga bumibili sa paninda niya. May bonus points kasi kapag bumibili, at dagdag yun sa grado(parang reward points sa grocery, kulang nalang ng card) . May dalawang aklat ang English subject namin dati, at nang ibalik ko ang mga ito sa guro namin matapos ang pasukan halos wala man lang galos at walang gaanong marka na ginamit ang mga ito. Binase lang kasi ni mam ang lesson niya buong tao sa journal na pinabili nya sa'min.

Yung isang teacher ko sa English ang kinakatakotan ng mga kaklase ko sa 1st year. Hatak sa boses ni mam ang buong classroom sa tuwing siya ang nagtuturo, walang kumukurap dahil tiyak na matatamaan ka sa kanya pag nakita kang hindi nakikinig. Maliit na guro si mam pero malakas ang boses, at fluent talaga siya sa English speaking dahil bihira lang syang nagtatagalog o bisaya habang nagtuturo. Palaging puno ng sulat ang blackboard namin dahil sa mga examples niya at pag di ka nagsulat habang nakikinig tiyak na lagot ka pag nagkataong nabunot ang pangalan mo sa 'Index card' niya. Uo pagkatapos ng lessons n'ya ay may tatlo o limang studyante siyang binubunot para tanungin ukol sa itinuro niya. At pag hindi ka makasagot tiyak na mapapahiya ka dahil sa galing niyang magturo, wala ka man lang natutunan. Nasa huling subject namin si mam bago maglabasan para tanghalian, pero malilipasan ka talaga ng gutom pag di ka nakasagot sa tanong niya. Iniisip ko dati, letseng guro to, naglabasan na lahat ng mga studyante sa kabilang silid, kami nalang ang naiwan at nagtuturo parin siya. Gutom na ako at lahat ng mga kaklase ko pero pilit paring pinapakain ni mam ng karunungan ang mga utak namin. Ngayon ko lang napuri ang katatagan niya dati, siguro gutom narin siya nang mga panahong tinuturuan niya kami pero pilit niyang nilalaban para lang sana meron kaming matutunan.

May isa rin akong Filipino subject na ako ang secretary,. Pahamak kasi yung dati kong kaibigan, naisipan ba naman niyang i-nominate ako bilang secretary dahil hindi ako nanalo sa pagka Class president at Vice na parehong kagagawan ng mga loko kong klasmeyt. Akala siguro nila pag nanalo akong presidente sa room mabibigyan ko sila ng gabinete sa ilalim ng pamahalaan ko. Kaya ayon, di nila ako tinantanang e-nominate hanggang sa ako nga ang nanalong secretary. Linsyak, alam ko dati babae lang ang pwedeng maging secretary at taga-sulat sa board kapag tamad si mam magturo. Malas talaga dahil mas madalas pang may bisita sa room na nagbebenta ng mga Ibong Adarna komiks, coloring books at mga buto ng halaman kesa sa magturo ang adviser namin. Kaya ako lagi ang isinabak sa harap ng board pag nagpapasulat siya. Pangako niya sa'kin dati atomatik akong makakatanggap ng ribbon mula sa kanya sa pagtatapos namin sa grade 6. Pero sa bandang huli maluha-luha akong tumanggap ng dalawang ribbons sa kanya at may nakasulat na 'parent' at 'graduate', at napaluha na talaga ako nang makita kong parehas din kami ng ribbons na natanggap nong mga loko kong klasmeyt na nagpahirap sakin sa buong taon namin sa Filipino subject.

Filipino teacher din ang adviser ko noong 4th year high school ako. Mabait si mam sa amin at palagi niyang tinatanong kung kumusta ang mga guro namin sa ibang subject o kung my problema kami sa aming mga aralin. Sa mga panahong yun nagkaroon na ako ng emotional breakdown sa di na mabilang na problema sa pamilya, pinansyal at personal. Nawala ang katatagan ko sa pag-aaral. Isa sana ako sa hinahangaang studyante ng teacher ko sa drafting pero madalas na ang pagliban ko sa kanyang subject. Pumapasok nalang ako para masilayan ang babaeng nagbibigay ng konteng saya sa buhay ko. Natuto narin akong tumalon sa pader ng paaralan namin para lumabas at makipag-inuman sa mga maling barkadang aking sinamahan. Napansin na lahat ng mga guro ang laki nang ipinagbago ko. Kaya nang makita ako ni mam sa palengke na nagbibinta ng saging, masinsinan niya akong kinausap. Tinanong niya ang problema ko, nadama ko sa kanya ang panghihinayang kung hindi ako makakapagtapos. Inalalayan ako ni mam para lang pumasok ulit, ipinangako niyang kakausapin ang iba ko pang guro na tanggapin ulit ako sa klase, at ginawa nga niya. Masaya ang mga kaibigan ko at mga klasmeyt nang makita nila ulit akong nakaupo sa upuan ko. Sinalubong ako nang yakap at apir sabay bati ng mga tunay kong kaibigan. Sa awa ng diyos at sa tulong ni mam nakahabol ulit ako sa klase, unti-unting bumalik ang sigla ko sa mga lessons lalo na sa Filipino at sa drafting ellective kung saan kaklase ko ang crush kong taga ibang section.

Napaluha ang buong section namin nang tuluyan na kaming magpaalam kay mam sa araw mismo ng graduation day namin. Hindi na lesson ang sinasabi niya kundi ang mga salitang pamamaalam at pagpapatatag nang aming kalooban ukol sa panibagong buhay na aming haharapin sa labas ng paaralan.

Sa lahat ng mga gurong napabilangan ko, Si mam lang talaga ang nagpakita ng pagpapahalaga sa akin at sa mga mag-aaral niya. Nagampanan niya ang kasabihang 'guro ang pangalawang magulang'. May mga guro kasing magaling lang magturo, magaling magpaikot ng studyante, magaling magkwento, magaling magpagawa ng projects. Pero walang pakialam sa tunay na kalagayan ng kanyang mga mag-aaral. Di nila alintana ang suliranin ng mga mag-aaral nila, kung may malalim bang problema o kung may dinadamdam o may pinagdaraanan. Sa bandang huli kasalanan pa ng studyante ko di siya natuto. 

Di ko na ulit nakita si mam mula noong nakuha ko ang report card ko sa kanya. Pero tiyak guro parin siya hanggang ngayon at marami pang mga mag-aaral ang maiimpluwensyahan ng kanyang kabutihan. Sana mapahalagahan din siya nang mga naging mag-aaral niya.

Ang mga kwentong narito ay mga alaala noong ako'y nag-aaral pa, mga komento at evaluations ng mga naging guro ko noon, at kung ano na ang naiambag nila sa buhay ko ngayon. Mga guro kong magiting at hindi ko malilimutan. Kung mababasa nila ang kwento ko tungkol sa kanila, magagalit kaya sila? Ibabagsak kaya nila ako? lalo na't maraming mali sa grammar ko?

Rinnggggg!!! Okay class dismiss.

No comments:

Post a Comment