Depressed Na Ba Ako?


Madalas akong tanungin ng mga kaibigan ko kung bakit ang tahimik ko na raw at hindi na gaanong nagsasalita. Napansin na nilang may pinag-iba sa'kin. Dati kasi kapag kasama ko ang mga kaibigan ko, ako pa ang pasimuno ng kalukuhan na nauuwi sa tawanan ng buong tropa. Dinadaan lang nila sa asar ang napansin nilang pagbabago sa'kin, at sa bandang huli tatanungin din nila ako ng seryuso kung ano ba ang problema o iniisip ko. Kapag nag-umpisa ng ang inuman at may alak na konte ang aking katawan, saka ko lang ulit sila nasasabayan lahat at bumabalik ang dati kong sigla sa pakikipag-kwentuhan na sinasabayan minsan ng tawanan.

Maging sa pamilya mismo napansin nila ang pagtamlay ko, bihira nalang ako makipag-usap sa kanila at madalas nalang akong nagmumukmok. Kapag may nagtatanong o kung may nag-oopen up ng topic, saka lang ako kumikibo pero wala talagang interest makipag-usap. Hindi narin ako masyadong lumalabas ng bahay at gumagala kasama nang mga kaibigan kong nabanggit. Palusot ko lang na wala akong pera pero ang totoo iniisip kong nakakapagod lumabas at mamasyal, mas nasasayahan nalang ako mag-selpon habang nag-iisa. Ewan, dati naman akong sabik mamasyal o kaya manood ng sine o kumain sa labas, pero ngayon parang ang lahat nakakapagod ng gawin.

Hindi naman ako tamad at pumapasok parin sa trabaho. Sa trabaho buhos ang atensyon ko, ayaw kong magkamali kahit konte dahil ayaw kong bumalik sa umpisa o kaya mapagalitan. Kapag sweldo madalas magyaya ang mga katrabaho ko, na madalas ko ring inaayawan sa palusot na may paggagamitan ako ng pera. Ang totoo nakakapagod makisabay sa kanila lalo na't hindi ko naman sila lahat kabisado. Hindi pagod ang katawan ko, sadyang pagod lang ang isip ko. Mas gusto ko pang magkulong sa madilim na kwarto at magbabad sa selpon kakanood ng mga videos o kaya facebook.

Minsan narin bang sumagi sa isip mo ang magpakamatay?  Ako madalas. Napupuyat ako sa gabi kakaisip ng mga bagay na malayo sa realidad ng buhay ko. Parang ang pagkitil lang ng sariling buhay ang solusyon sa mga bagay na araw-araw kong hinaharap. Matapos nang malalim na pag-iisip, nakakatulog naman ako at kinabukasan nagigising. Hindi ko na nagagawang magpasalamat man lang kahit konte, bumabangon nalang ako at patuloy sa pagharap sa bagong araw. Hanggang ngayon hindi parin nawala sa isipan ko ang bagay na'yan, naiisip ko parin lalo na kapag may hindi ako napasayang tao o kaya may nadismaya sa'kin o kaya hindi ko naibigay ang mga inaasahan nila o kaya kapag nakatanggap ako ng rejection. Pakiramdam ko napaka-walang kwenta kong tao kapag nareject ako o kaya nabasted.

Paglipas ng mga taon mas lalo akong naging malungkutin, na hindi ko pinapahalata pero halatang-halata na pala. Ewan ko ba, hindi naman sa ayaw ko ng may kasama pero mas gusto kong mag-isa. Mas komportable akong bumyahe mag-isa, maglakad at kumain ng walang kasama, nakasanayan ko ng walang kasabay mamili sa mall o kaya sa palengke, nakasanayan ko ng matulog sa malungkot na apat na sulok nitong aking silid. Malungkot ba ako? Hindi naman siguro. Masaya ako kapag nakahiga at nakakulong na, pakiramdam ko sa kwarto ko lang napapagaan ang aking kalooban.

Nakalimutan ko na ang dating ako, hindi ko na nagagawa ang mga bagay na dati'y kinasasabikan ko. Nauunahan na ng pagod ang isipan kahit kakagising lang ng katawan ko. Ang mga tanong nang mga taong nakapalibot sa'kin hindi ko nasasagot. Hindi ko na sila nakaka-usap nang masinsinan. Wala naman akong problema pero sa paningin nila napaka-lungkot kong tao. Minsan hindi ko na rin maintindihan ang sarili, parang pinipilit ko nalang ang lahat ng bagay maging ang sarili ko, sinasabi ko sa kanila na okay ako kasi yun naman talaga ang pakiramdam ko, pero okay pa ba talaga ako?

Lumipas pa ang ilang taon hinahanap ko na ang isa o dalawa sa mga kaibigan ko para makipag-inuman. Nauubos ang pera ko sa pagbili ng alak gabi-gabi. Pagkatapos ng trabaho ko, wala ng laman ang isip ko kundi uminom hanggang sa malasing. Sinasabayan ko pa ng sigarilyo na ang alak na noon hindi ko ginagawa. Nare-relax ako kapag may alak at nakakatulog kaya hinahanap ng sistema ko. Yung nakita nilang kalungkutan sa'kin dati lumala na, sinabayan ko na ng bisyo. Hindi ko na napapahalagahan ang sarili ko at nawalan nako ng gana sa buhay. Pinapangunahan na'ko ng mga negatibong pag-iisip, wala na'kong tiwala sa sarili ko.

Biruin mo hanggang ngayon di parin nawawala sa isip ko ang ginawa ko noong nakaraang linggo. Pumasok sa isip kong mag-aral at tulungan ang sarili ko sa unti-unting pagkakalugmok. May ino-offer ang TESDA na scholarship kaya nag-exam agad ako. Pero bago paman ako pumunta sa opisina ng TESDA ay nagrarambol na ang isip ko kung tutuloy ba'ko, paano kung hindi ako pumasa o kaya hindi ako tanggapin dahil sa edad ko. Nag-uunahan ang mga negatibo pero sa awa ng konteng pangarap na makapag-aral ulit, nagawa kong dalhin ang sarili ko sa TESDA. Nakapag-exam agad ako at presto! pumasa! Binigyan ako ng papel ni proctor nang malamang pasado ako. Papunta na ako sa second step ng application of scholarship, ang interview. Habang naglalakad binabasa ko naman ang papel na iniabot sa'kin kanina. May nabasa ako doong word na 'capacity to pay'. Pumasok agad sa isip ko na hindi pala libre ang kursong inaplayan ko. Napahinto ako sa paglalakad papunta sa second step at dali-daling tinahak ang daan palabas ng paaralan. Nalaman ko nalang sa text na libre pala lahat ang mga kursong ino-offer nila. Pumasa ako sa exam pero nagmukha akong bobo, 'di ko man lang naisipang magtanong. Ngayon panay panghihinayang ako, kung nagpatuloy sana ako may pag-asa pa sanang matanggap. Ngayon ko lang namalayan na nawalan narin pala ako ng kakayanang mag-isip ng mabuti, kung ano ang tamaan ng mga mata ko yun na ang paniniwalaan ng utak ko.

Ano kayang problema ko? Ngayon masaya ako, maya-maya tahimik na naman at walang imik. Ayaw kong aminin kanino man na nade-depress na'ko. Ayaw kong makarinig ng mga salitang 'nag-iinarte ka lang', 'sa isip mo lang yan', 'walang ganyan, gumising ka!'. Ayaw kong mahusgahan dahil nakilala ako ng mga taong nakapaligid sa'kin bilang matapang, pursigido sa buhay, may pangarap, matalino, masayahin at may konteng talino. Kahit sa sarili ko, ayaw kong amining depressed na'ko. Ayaw kong tanggaping nagbago na' ko at hindi na ako yung dating ako. Hindi naman nawala ang mga katangian ko, nakaligtaan ko lang sigurong ipakita ulit ang mga ito.

Ayaw kong may masisi sa kung ano man ang pinagdaraanan ko ngayon, lungkot man o depression na talaga. Sabi nila kalimutan nalang ang mga lumipas at harapin ang kung anong darating. Pero malabong makalimutan ang mga bagay na lumipas lalo na't nagdulot ang mga ito ng matinding pagkabigo sa buhay. Hindi na mabilang ang mga pagkabigo, pasakit at pagkadismayang naranasan ko.

May isang araw na nagkasabay-sabay ang lahat at sinamahan pa ng maraming problema. Tumigil ako sa pag-aaral dahil hindi ko na nakayanang tustusan ang mga gastusin. Nagmahal ang tuition fee, samantalang kakarampot lang ang sinasahod ko sa patatrabaho noon isang burger station. Kasabay nang paghinto ko, nagkalabuan naman kami ng syota ko dati. Hindi nagtanggal iniwan n'ya rin ako ng walang pasabi. Matinding pagdaramdam ang dinanas ko sa kanya, hindi ko kasi nalaman kung saan ako nagkamali't nagkulang. Nagkalagnat ako ng sobrang taas na umabot sa pagka-hospital ko, napraning kasi ako noon, inaabangan ko ex ko kahit umuulan, sa pagbabaka-sakaling makausap ko man lang siya. Nang makalabas ako ng hospital naging matamlay na'ko, unti-unti ko ng nakalimutan ang pag-ibig, at hanggang sa ngayon hindi ko na alam kung paano pa uli magmahal ng totoo. Marami akong nakikilala na tanggap ako, pero hindi rin nananatili dahil pilit ko namang hinahanapan ng paraan para lumayo. Hindi na ako maaruga, hindi na mapagmahal at hindi ko na alam kung paano magseryuso. 


Pero hindi ko naman sinisisi ang lahat sa pinagdadaanan ko, iniisip ko paring malakas ako, na kaya ko paring humarap sa mga tao sa kabila ng mga tinatago kong bigat sa dibdib. Hindi ako yung taong mahilig maglabas ng hinanakit, kahit gaano na kasakit o kabigat sinasarili ko lang. Ayaw kong may makaalam. Ayaw kong may makakita sa'king umiiyak. At ayaw kong makarinig ng salitang 'depressed kana pare'.


Uo, malaking issue ang Depression at marami sa mga tao ang sinasabing dumaranas ng ganitong karamdaman. Pero ayaw kong isali ang sarili ko sa kanila. Ayaw ko dahil hindi naman ako depressed at kinakaya ko pa naman ang buhay. Bakit kaya maraming baliw sa kalsada ang nakangiti? Siguro sa dami ng problema at pasakit na dinanas nila, nakalimutan na nilang sumaya at tuluyan ng iniwan ng kanilang katinuan.

Depressed na nga ba ako? Hindi. Mas gusto ko lang mapag-isa, ilagay ang sarili kung saan ako masaya at ayaw ko lang makisalamuha sa kung sino-sinong tao. Tumatanda na'ko at wala ng karapatang mag-inarte sa buhay.

1 comment: