Aaminin kong tumatanda na nga ako, tumatanda na tayo. Akalain mo, noong mga panahong dalaga't binata pa tayo, pinangako natin sa isa't-isa na hindi tayo maghihiwalay.
Nakakatawa lang isiping ikaw yung tamang taong pinangakuan ko noon sa maling panahon.
Ang tagal na nun, mga pangakong maibabaon din sa limot. Sa magkaharap pa nating mga labi pinagdugtong ang mga salitang akala natin hindi maglalaho.
Yung magkadikit pa ang ating mga puso, habang binabanggit ang mga matatamis na pangako.
Ang daya kase eh, yung pilit nating pinatatatag ang isa't-isa at pinapalago ang relasyong umusbong na, nagsasawa rin pala.
Ako man o ikaw ang nagsawa, hindi na mahalaga, ang mahalaga lang naman ay napanghawakan ko hanggang sa ngayon ang mga pinangako ko sa iyo noon.
Masaya ako para sa'yo. Masaya ako dahil tinupad nya ang mga bagay na minsan pinangarap ko para sa iyo noon.
Masaya lang ako, kahit pilit kong pinapahid ang mga butil ng mga luhang dumadaloy sa aking mga mata.
Hindi ako umiiyak ngayon dahil mahal parin kita, kundi dahil totoong masaya lang ako talaga.
Alam mo, hindi na kita iiyakan, sadyang may tubig lang talaga ang aking mga mata na pandilig sana sa'ting relasyong matagal ng nawala.
Hindi na kita mahal.
No comments:
Post a Comment